Mahirap ang Marami

Sa gitna ng kunwa’y pagdadayalogo at mga tunay na palitan ng kaalaman at nararamdaman tungkol sa ngayo’y kontrobersyal na Reproductive Health Bill, naghihikahos ang 27.6 milyong Pilipino (ADB:2011) sa buong bilang ng populasyon na  92,226,600 (NSO:2007). Hindi na marahil kailangang tanungin pa kung gusto nilang umahon sa kahirapan-sino nga ba ang aayaw? At napatunayan na rin ng mga iskolar na ang dami ng anak sa isang pamilya ay may epekto sa pagiging mahirap nito.



Sa gitna ng mga ganitong realidad ay ano nga ba ang tunay na maitutulong ng pamahalaan sa mga mahihirap nitong mamamayan? Ang “Reproductive Health Bill” o “Responsible Parenthood Bill” na unang ipinanukala ni Ginoong Edcel Lagman ng Albay sa mababang kapulungan ng Kongreso ay mainit na pinag-uusapan ngayon sa dahilang may mga sumasang-ayon dito at mayroon ding sumasalungat. Nangunguna sa ayaw ng panukala ay ang simbahang Katoliko. Alam nating lahat na 80% ng mga Pilipino ay nasa pananampalatayang Katoliko, at ang paniniwala ng simbahan ay kasalanan ang magagawa ng magiging batas.

Ayon sa simbahang Katoliko, ang artificial contraceptives ay isang insulto sa itinalaga ng Diyos na kakayahang magkaroon ng anak at pamilya. Ang pagkakaroon ng mga anak ay dapat na tinatanggap na biyaya galing sa Maykapal. Bakit kinakailangang ang pagpigil nito ang paraan upang labanan ang kahirapan?

Sa kabilang dako, ang RH Bill ay tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang dumarami at naghihirap sa mga mabisa at napatunayan nang paraan ng pag-paplano ng bilang ng mga anak.

Ano nga ba ang mas malaking kasalanan? Ang magplano upang maalagaan ang anak o ang magkaanak ng walang plano kahit sila ay magutom at di makapag-aral?

Sa dakong huli, ang mismong may sarili ang magpapas’ya, dahil s’ya lamang ang maaring sumagot sa kanyang kapalaran at kahihinatnan.