Ang Wakas sa 2012

Ang prologo sa nobela ng sangkatauhan ay isang milagro ng paglikha. Kamangha-mangha ang mundo: sa lupa, dagat at himpapawid ay sari-sari ang namumukadkad at patuloy na ginagampanan ang siklo ng buhay. Ang tao ang pinakatanging obra, dahil siya ay marunong mag-isip ng tungkol sa lahat ng nasa mundo, pati ng tungkol sa kanyang sarili.

Sa isang yugto, kataka-taka na sa talinong taglay, ang tao ay nakakapamili pang maging makasarili na pa bagang siya lamang ang may karapatan sa mundo. Kahit nakikita niya na sobra ang lahat ng bagay para sa kanya lamang, kahit nararamdaman niya na naghihirap ang nakararami sa kadahilanang hindi nakapag-aral at walang oportunidad, kahit nakikita niya ang buong pamayanan na nagkakanda-kumahog sa paghanap ng solusyon maipantay lamang para sa lahat ang bansang yaman. Ang masakit, madami na ang mga salot ng lipunan.

Sa kabilang yugto, bakit may mga taong marunong kumilala ng hirap ng iba? Mga taong handang magtrabaho at magpunyagi kahit gaano kalayo at kahirap, hindi lamang para sa sarili kung hindi para rin sa asawa, pamilya, komunidad, at bayan? Sila ang mga taong may konsiyensiya: mga taong may pahalaga sa tama at nararapat at isinasantabi ang mali at hindi makatarungan. Ang kabutihan, may mga natitira pa ring mga bayani ng lahi.

Sa huling yugto, mukhang nakararami nga ang mga walang pakundangan sa pagputol ng mga puno sa gubat, pagtapon ng kemikal, plastik at iba pang basura sa ilog at dagat. Mas marami na ang mga walang pakialam na gumagamit ng sasakyang nagbubuga ng libreng lason sa hangin; naglipana ang mga taong pilit at walang paalam na nagpapatayo ng kabahayan at istraktura sa mga lugar na sensitibo at kailangan sa pagdaloy ng ilog o sa pagpapanatili ng kakahuyan at kabundukan.

Kaya magtataka ka pa ba kung sabihing ang lahat ay magwawakas na? Dumating ang mga ga-higanteng bagyo na kumitil at sumira ng maraming buhay at nanalasa sa mga patanim at paghahayupan. Gumuho ang mga bundok, nabunot ang mga puno at umapaw ang mga dagat at ilog. Narito na ang mga delubyo, pagkalat ng nakamamatay na mga sakit, at tumindi pang paghihirap ng mga mahihirap.

Ang wakas ay eksakto raw sa taong 2012. Nanlulumo na ang mundo sa pang-aabuso ng tao at nag-kaka-edad na. Kasabay ng tumatanda na ring mga ibang planeta sa kalawakan, ang ating mundo ay mawawalan ng liwanag galing sa haring araw. Mamamaalam ang mga korona nito at tuluyang maglalaho. Sa paglaho ng ating araw, tayo’y susunod din.

Hindi natin maisasantabi ang sinasabi ng siyensiya. Ito ay ang pinakamagaling na napag-aralan ng ating mga utak bilang tao. Hindi rin tayo maaaring magpakabingi sa sinasabi ng Bibliya o anu pa mang Banal na Kasulatan. Hindi ba’t sa unang yugto ay kinikilala natin na may banal na May Akda ng mundo? Ang mga kasulatang ito ay nagpapatotoo rin sa wakas ng panahon. Kung kailan, hindi bumabanggit ng eksaktong petsa.

Sa epilogo ng iyong buhay, mas gugustuhin mo ba na nasa mala-purgatoryo kang lugar kung saan tapos na ang oras at wala ka nang magagawa? Wala nang halaga ang pagsisisi dahil huli na ang lahat? Na sinayang mo ang iyong utak, kamay, paa, mata, taynga at iba mo pang regalo dahil tapos na ang mundong ginalawan mo? Nguni’t naroon ka pa rin, habang panahon na nakadarama nang lahat ng dati’y naramdaman mo sa iyong pagiging tao.

Wakas sa 2012? Dalawang taon na lang? Magmuni-muni ka. Ang nobela ay maaari pang magkaroon ng pag-asa sa wakas. Pagbibigyan ka pa NIYA. Ikaw ba’y magiging bayani o salot?

Ikaw ang aakda nito.